Sunday, May 30, 2021

PALIWANAGIN ANG ILAW

  

Mateo 5:16

"Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”

_____________________


Tayo ay Iglesiang May Mabuting Patotoo!

SA HARAP NG MGA TAO. Ang bawat mananampalatayang Cristiano ay ilaw ng sanlibutan (t. 14). Ang liwanag na taglay natin ay mula sa Panginoong Jesus na Siyang nagsabing, "Ako ang ilaw ng sanlibutan" (Juan 8:12). Kaya nga, ang pagliliwanag ng ating mga ilaw ay kinakailangan upang pangunahing makita ng mga tao ang Panginoong Jesus sa ating pamumuhay. Ang pagiging mabuting patotoo natin sa harap ng mga tao ay napakahalagang sangkap sa pagdadala natin ng balita ng Kanyang pagliligtas.

MAKITA ANG INYONG MABUBUTING GAWA. Ang ating liwanag ay nakikita sa ating mabubuting paggawa. Kung nanaisin nating magliwanag ang ating mga ilaw sa harap ng mga tao, ang mabuting pananalita, gawain at pakikitungo natin sa kanila ang magpapatunay na tayo nga ay mga tagasunod ni Cristo. Hindi ang pangalan ng ating relihiyon o ang pagtawag sa ating tayo ay mga Cristiano. Kung paano tayo mamuhay kasama ng ating pamilya, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga katrabaho o kaeskwela, at mga kapitbahay ang magiging panukat nila sa pagiging Cristiano natin.

PAPURIHAN ANG AMA SA LANGIT. Papuri sa Diyos! Ang lahat ng ating ginagawa, maging sa pagkain o sa pag-inom, ang kapurihan ng Diyos ang palagian nating layunin. Sa ating pagiging mabuting patotoo, tayo ay maaaring umani ng pagkilala ng mga tao o papuri sa mabuting ipinakita natin sa kanila. Gayunpaman, ang papuri ay laging sa Panginoong Jesus na Siyang pinagmumulan ng ating liwanag, na sa bawat pagtatanghal sa Kanyang pangalan ay "sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama" (Filipos 2:11).

Pagliwanagin natin ang ating mga ilaw. Sikapin nating maging mabuting patotoo sa harapan ng mga tao nang sa gayon, ang Diyos ay maluwalhati sa buhay ng bawat isa sa atin.

Tara na sa maliwanag na pamumuhay!


Pastor Jhun Lopez

Saturday, May 22, 2021

PAGHAYO: HINDI KO IKINAHIHIYA

 

Roma 1:16

 Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya.

_____________________


Tayo ay Iglesiang Humahayo!

ANG DAKILANG ATAS. Isa sa mga misyon ng Diyos ay ang tinatawag na Dakilang Atas (Great Commission) ng Panginoong Jesus, na ang bawat alagad Niya ay humahayo at gumagawa ng mga alagad Niya. Isang aktibong pagkilos ng mga sumasampalataya sa Kanya. Inaakay ang mga tao sa pagiging bahagi ng katawan, nababautismuhan bilang kaanib ng iglesia, nang sa gayo'y maturuan ng mga aral ng Panginoon.

Alam na natin ito at ilang ulit na ring naipinangaral sa atin. Subalit sa hindi inaasahan, marami ang mga mananampalataya ang nakulong at nasanay na sa kanilang comfort zone. Dahilan kaya ayaw ng humayo ng marami. Ang katwiran, "Wala namang problemang ganito tayo, bakit pa tayo hahayo at gagawa ng alagad?" O kaya'y "Hindi ako equip at marami pa akong dapat baguhin sa buhay, saka na lang." Ang malungkot, kung ang Magandang Balita ng Panginoong Jesus ay ikinahihiya na nating ipagsabi at ipamalita sa iba.

HINDI IKINAHIHIYA ANG MAGANDANG BALITA. Ito ang ipinahayag ni Apostol Pablo sa mga mananampalataya sa Roma. Bilang tinawag ng Diyos upang ipangaral ang Magandang Balita, matapat niyang ginampanan ang tungkuling iniatang ng Diyos sa kanya. Walang takot at walang pagtatangging ibinabahagi sa iba ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pananampaltaya niya sa Panginoong Jesus. Mula sa buhay na nang-uusig sa mga Cristiano, siya ay naging tagapagdala ng kaligtasan at naging tagapagtatag ng mga Iglesia sa iba't ibang dako. Humayo siyang hindi ikinahihiya ang Magandang Balita! Ito rin ang nararapat na maging laman ng puso't isipan ng bawat mananampalataya sa ating panahon. Lalo na ngayong nagbabagong panahon, ang paghayo ay hindi ikinahihiya. Sa halip, ito ay ipinagpapatuloy ng bawat nagsasabing siya ay alagad ng Panginoong Jesus.

KAPANGYARIHAN NG DIYOS SA KALIGTASAN. Ang paghayo ng isang iglesia ay maaaring magresulta ng paglago; sa bilang at maging sa buhay espirituwal. Maliban sa layuing maging alagad ni Cristo ang mga tao nang sa gayon ay maging kaanib ng iglesia, pangunahin nating dinadala ang kaligtasan sa mga tao. Sapagkat ang Magandang Balita ng Panginoong Jesus ang magdadala ng kaligtasan sa kanilang mga buhay, ito ang laging sentro ng mga gawain natin, na ang pagliligtas ng Panginoong Jesus ay maihayag sa mga tao at sila ay magkatoon ng pagkakataong sumampalataya sa Tagapagligtas.

Ang mga sumampalataya sa Kanya ay ating aakayin sa paglalakbay tungo sa pagiging mga alagad. At atin silang sasamahan sa pag-iingat at pagpapaunlad ng kaligtasang kanilang natanggap.

Tara nang humayo!


Pastor Jhun Lopez

Sunday, May 16, 2021

IGLESIANG LUMALAGO

Efeso 4:16

 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan  na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi,  lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.

_____________________

Ang Alpha & Omega iEMELIF Church ay Iglesiang Lumalago!

ANG BUONG KATAWAN AY PINAG-UUGNAY-UGNAY. Isa sa pananaw ng ating Kongregasyon ay ang paglago. Wala sa mga Cristiano, marahil, ang magnanais na ang isang Iglesia ay manatili sa kalagayan nito at sabihing masaya na kaming ganito na lamang. Sa halip, hangad ng bawat isa ang paglago sa lahat ng aspeto nito; sa bilang, sa kalagayang espiritual, sa pananalapi, sa pamamahala, at maging sa tinatawag na digital growth. Sa lahat nang ito, ang unang dapat nating isaalang-alang ay ang katotohanang ang paglago ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Sapagkat ang bawat kaanib ay iisang katawan na pinag-uugnay-ugnay. Ang kilos ng isa ay nakakaapekto sa iba; maging ito man ay positibo o hindi. Ang ugnayang ito ay dahil sa nagkakaisang pagtatalaga ng ating buhay sa Panginoong Jesus. Kaya nga, di maaaring magsarili ang isang kaanib sa kanyang mga nasain para sa Iglesia. Kailangan ng pagtutulungan at sama-samang paggawa ng bawat isa sa atin.

MAAYOS NA PAGGANAP NG TUNGKULIN. Iisang katawan, maraming kaloob, iba-iba ang gagampanang gawain at tungkulin. Katotohana din namang tayo ay iisang katawan ngunit ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi na may kani-kanuyang function. Ang pagtigil ng isang bahagi sa kanyang dapat gawin ay may malaking epekto sa buong katawan. Napanghihina at napaparalisado ang katawan. At kung gumaganap man subalit wala naman sa ayos, tiyak ang di magandang idudulot nito sa paglipas ng panahon. Tayo ay bahagi ng katawan at may kani-kaniyang tungkulin. Ang inaasahan sa atin upang maabot ang hangaring maging isang iglesiang lumalago ay ang maayos na pagganap ng bawat isa sa ating mga tinutungkulang bahagi sa Iglesiang ito.

LALAKI AT TATATAG SA PAMAMAGITAN NG PAG-IBIG. Sabi nga ng awit, "Pag-ibig lang ang susi ng lahat" na binigyang-diin naman ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto, na lahat ng ating gagawin at gagampanang bahagi ay walang kabuluhan kung wala ang sangkap ng pag-ibig (basahin ang 1 Corinto 13:1-3). Ang paglago ng isang Iglesia ay pagsasama-sama sa maayos na paggawa ng kani-kaniyang tungkulin sa diwa ng pag-ibig. Baguhan o matagal nang kaanib, bilang kaugnay ng katawang ito, ang bawat iisipin at ikikilos natin ay marapat na gawin dahil sa pagmamahal sa kapatiran. Sa mga naglilingkod, ang posisiyon o tungkulin ay pangalawa lamang na dahilan kung bakit tayo nagbibigay ng panahon sa paggawa para sa Iglesia. Higit dito ay ang dahilang minamahal natin ang bawat bahagi ng katawang ito na kung saan tayo pinag-ugnay-ugnay ng Diyos.

Iglesiang lumalago. Isang pangitaing nagaganap sa pana-panahon na dapat nating panatilihing marka o pagkakakilanlan sa Iglesia ng Panginoon na ating pinagsasama-samahan. Sama-sama nating isulong ang patuloy na paglago ng Alpha & Omega IEMELIF Church! Pagpalain tayong lahat ng Diyos!


Pastor Jhun Lopez

Sunday, May 9, 2021

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28
"Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak."
_____________________

Maligayang araw ng mga ina!

IGINAGALANG NG MGA ANAK. Marahil isa ito sa mga ninanais ng puso ng isang ina, ang siya ay igalang ng mga anak na dinala ng siyam na buwan sa kanyang sinapupunan. Musika sa kanyang tainga ang una nilang pag-"uha." Mangingiti ang mga labi sa unang pagsilay sa anak na iningatan at pinaghirapang mailuwal sa mundong ibabaw. Ang pagsisikap na mapalaki nang tama at magkaroon ng maayos na buhay ang siyang naging layunin sa bawat araw na dumaraan. Ang tanging ligayang inaasahan, ang anak na minamahal, siya ay igalang.

Hindi lamang pagsagot ng "po" at "opo" ang kanyang hinihintay. Sapagkat ang paggalang ay hindi lamang sa salita ipinararaan. Ito ay pagkilala sa kanyang mga ginagawa at pagpapakita ng paghanga sa angking kakayahan. Hindi man siya perpekto, tiyak namang may mga oras na siya ay nagkakamali, subalit sa kabuuan ng pagsasakripisyo, ang paggalang sa kanya ay marapat lamang na ipagkaloob ng bawat anak na dumaan sa kanyang mga bisig.

Marahil, may mga inang hindi nga naging mabuting ina. Ngunit sila ay nananatiling ina ng sinumang anak. gaano man kasakit ang naging karanasan. Ngunit sa lahat ng ina na ngayon ay nagpapahayag na sila ay kabilang sa mga inang may pananampalataya sa Diyos, patuloy na magsikap na maging mabuting ina sa inyong mga anak. Sila'y mahalin, arugain, at patuloy na yakapin ng inyong mapagkalingang mga kamay. Magsikap sa buhay na siyang huwaran sa paningin ng mga anak. Aanihing tiyak ang paggalang na inaasam.

PINUPURI NG KANYANG KABIYAK. Kung mayroon mang makapagpapatunay ng pagiging mabuting ina ng isang ina, ito na marahil ang kanyang kabiyak. Siya ang saksi sa mga araw at gabing pagsasakripisyo alang-alang sa anak na inalagaan at pinagsikapang lumaking mabuti. Na ang ipapatotoo sa lahat, “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka” (Kawikaan 31:29).

Sa lahat ng naging mabuting ina sa kanilang mga anak, nariyan man o wala na ang iyong asawa, sa inyong pagsisikap at pagpapalaki ng inyong mga anak, ang pagkilala at papuri sa inyong pagmamahal ay marapat lamang ipagmalaki sa madla. Ang inyong mga katangian bilang isang ina, magkakaiba man ito sa lahat, ay tama lang na bigyan ng pagpaparangal.

Sa mga CRISTIANONG INA. Ang liwanag ng ilaw ninyo ay nagmumula sa liwanag ng Ilaw ng Sanlibutan, walang iba kundi ang Panginoong Jesus. Siya ang higit na nakikita sa inyong pamumuhay. Siya ang naririnig sa inyong mga labi. Siya ang nadarama sa bawat pagyakap ng inyong mga bisig. At dahil sa iyong pagiging tapat na ina sa pinagkatiwalang mga anak, Siya ang sa iyo ay nagsasabing, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan" (Mateo 25:21).

Happy Mother's Day po sa lahat ng mga nanay!


Pastor Jhun Lopez

FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...