Tuesday, August 23, 2022

BLESSINGS TO THE BLESSER

 Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias. 

1 Mga Hari 17:15-16

_______________________

Ipinahayag ni Propeta Elias sa Haring Ahab (875 BC) ang hindi pag-ulan. Nagkaroon ng taggutom sa bayan ngunit ang Diyos ay naglaan ng pagkain para kay Elias. Hanggang sa matuyo ang batis sa Carit, ang lugar na itinuro ng Diyos sa kanya. Inutusan naman siyang pumunta sa Sarepta.

Pinagpala ng biyuda si Elias. Nakilala nga ni Elias ang biyuda. Siya ay nakiinom at humingi na rin ng makakain. Sa utos ng Diyos (t.9), sumunod ang babae. Kahit ang natitirang harina at langis ay sasapat lamang sa kanya at sa anak niya, inihanda niya ang tinapay at inumin para sa Propeta.

Pinagpala ng Diyos ang biyuda. Ayon sa pangako ng Diyos (t.14), hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw tulad ng sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Elias. Ang pagsunod na pagpalain ng biyuda si Elias ay nagbunga ng higit pang pagpapala sa kanya kasama ang kanyang anak.

Patuloy na pinagpala ang biyuda (t.17-24). Nagkasakit ang anak ng biyuda at namatay. Nagalit siya kay Elias at inisip na ang kamatayan ng anak ay dahilan sa pagdating nito. Ipinanalangin ni Elias ang bata. Tumugon ang Diyos at muling nabuhay ang bata. Nahayag sa biyuda ang Diyos na Nagpapala.

Maging pagpapala sa iba! Tayo ay inuutusan ng Diyos na maging pagpapala sa iba sapagkat Siya mismo ay nagpapala sa ating mga buhay. Pinagpala Niya tayo ng kapatawaran ng kasalanan, ng pagliligtas, ng buhay na walang hanggan at lahat ng nasa mga kamay natin ngayon. Maging pagpapala at patuloy tayong pagpalain ng Diyos na Nagpapala!


Lingkod Ninyo,

Pastor Jhun Lopez


Monday, August 22, 2022

I'M BLESSED _ Pagpapala ng Diyos sa mga Nagpapala

 Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan.

1 Cronica 4:10

_______________________

Si Jabes ay mula sa lipi ni Juda. Ang pangalan niya ay may kaugnayan sa naranasang hirap sa panganganak ng kanyang ina. Mula sa kapanganakan, ang buhay niya ay maaaring punuin ng mga paghihirap. Subalit hindi ito nangyari dahil sa kanyang panalangin sa Diyos.

Pinagpala. Pinalawak ang lupain. Sinamahan siya at iningatan ng Diyos sa mga kasawiang makakasakit sa kanyang buhay. Ipinagkaloob nga ng Diyos ang mga kahilingan ni Jabes.

Buwan ng Agosto, hindi raw magandang buwan ito dahil marami ang naghihirap sa kanilang kabuhayan. Anila, “Inaagosto na naman ako.” Pero sa ating mga mananampalataya; walang buwan o linggo o araw o bawat sandali na tayo ay pinabayaan ng Diyos. Laging may pagpapala sa bawat mananampalataya.

Isang panalangin lamang ang layo ng Diyos sa atin. Ang Diyos na nangakong ipagkakaloob ang mga panalangin natin sa Kanyang mahabaging trono (basahin: Hebreo 4:16). Kung mayroon tayong pinagdaraanan ngayon, huwag mag-atubiling lumapit sa Diyos. Siya ay nangako. Siya ay tutugon. Tayo ay pagpapalain!

Sa buwan na ito, ating talakayin ang mga sumusunod:

  • Blessings to the Blameless
  • Blessings to the Obedient
  • Blessings to the Prayerful
  • Blessings to the Blesser

Ang mga pagpapala ng Diyos ay maranasan nawa natin sa bawat mensaheng ihahatid sa ating mga Linggong Pananambahan!


Lingkod Ninyo,

Pastor Jhun Lopez


FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...