Tuesday, August 23, 2022

BLESSINGS TO THE BLESSER

 Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias. 

1 Mga Hari 17:15-16

_______________________

Ipinahayag ni Propeta Elias sa Haring Ahab (875 BC) ang hindi pag-ulan. Nagkaroon ng taggutom sa bayan ngunit ang Diyos ay naglaan ng pagkain para kay Elias. Hanggang sa matuyo ang batis sa Carit, ang lugar na itinuro ng Diyos sa kanya. Inutusan naman siyang pumunta sa Sarepta.

Pinagpala ng biyuda si Elias. Nakilala nga ni Elias ang biyuda. Siya ay nakiinom at humingi na rin ng makakain. Sa utos ng Diyos (t.9), sumunod ang babae. Kahit ang natitirang harina at langis ay sasapat lamang sa kanya at sa anak niya, inihanda niya ang tinapay at inumin para sa Propeta.

Pinagpala ng Diyos ang biyuda. Ayon sa pangako ng Diyos (t.14), hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw tulad ng sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Elias. Ang pagsunod na pagpalain ng biyuda si Elias ay nagbunga ng higit pang pagpapala sa kanya kasama ang kanyang anak.

Patuloy na pinagpala ang biyuda (t.17-24). Nagkasakit ang anak ng biyuda at namatay. Nagalit siya kay Elias at inisip na ang kamatayan ng anak ay dahilan sa pagdating nito. Ipinanalangin ni Elias ang bata. Tumugon ang Diyos at muling nabuhay ang bata. Nahayag sa biyuda ang Diyos na Nagpapala.

Maging pagpapala sa iba! Tayo ay inuutusan ng Diyos na maging pagpapala sa iba sapagkat Siya mismo ay nagpapala sa ating mga buhay. Pinagpala Niya tayo ng kapatawaran ng kasalanan, ng pagliligtas, ng buhay na walang hanggan at lahat ng nasa mga kamay natin ngayon. Maging pagpapala at patuloy tayong pagpalain ng Diyos na Nagpapala!


Lingkod Ninyo,

Pastor Jhun Lopez


Monday, August 22, 2022

I'M BLESSED _ Pagpapala ng Diyos sa mga Nagpapala

 Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan.

1 Cronica 4:10

_______________________

Si Jabes ay mula sa lipi ni Juda. Ang pangalan niya ay may kaugnayan sa naranasang hirap sa panganganak ng kanyang ina. Mula sa kapanganakan, ang buhay niya ay maaaring punuin ng mga paghihirap. Subalit hindi ito nangyari dahil sa kanyang panalangin sa Diyos.

Pinagpala. Pinalawak ang lupain. Sinamahan siya at iningatan ng Diyos sa mga kasawiang makakasakit sa kanyang buhay. Ipinagkaloob nga ng Diyos ang mga kahilingan ni Jabes.

Buwan ng Agosto, hindi raw magandang buwan ito dahil marami ang naghihirap sa kanilang kabuhayan. Anila, “Inaagosto na naman ako.” Pero sa ating mga mananampalataya; walang buwan o linggo o araw o bawat sandali na tayo ay pinabayaan ng Diyos. Laging may pagpapala sa bawat mananampalataya.

Isang panalangin lamang ang layo ng Diyos sa atin. Ang Diyos na nangakong ipagkakaloob ang mga panalangin natin sa Kanyang mahabaging trono (basahin: Hebreo 4:16). Kung mayroon tayong pinagdaraanan ngayon, huwag mag-atubiling lumapit sa Diyos. Siya ay nangako. Siya ay tutugon. Tayo ay pagpapalain!

Sa buwan na ito, ating talakayin ang mga sumusunod:

  • Blessings to the Blameless
  • Blessings to the Obedient
  • Blessings to the Prayerful
  • Blessings to the Blesser

Ang mga pagpapala ng Diyos ay maranasan nawa natin sa bawat mensaheng ihahatid sa ating mga Linggong Pananambahan!


Lingkod Ninyo,

Pastor Jhun Lopez


Monday, March 7, 2022

REACHING OUT TO THE NEEDY

Mateo 9:36-38

Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol.

Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakaraming aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. 38 Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.”

_____________________

Dama ng Panginoong Jesus ang pangangailangan ng mga tao. Ang Panginoong Jesus ay hindi malayo sa mga tao. Siya ay namuhay kasa-kasama ng mga alagad at ng mga taong sumusunod sa Kanya. Tinuruan at pinangaralan Niya sila. Pinagaling ang mga karamdaman. At nakasama Niya ang mga ito sa paglalakbay maging sa pagkain at pagtulog. Kaya nga, nakita Niya ang nakahahabag na kalagayan ng mga tao. Litong-lito, hindi alam ang gagawin at parang mga tupang walang pastol. Sa kaibuturan ng Kanyang puso, dama Niya ang matinding pangangailangan ng mga taong nasa paligid Niya.

Damhin natin ang komunidad na ating kinalalgyan. Imulat ang mga mata sa kanilang kalagayan. Hindi aksidenteng tayo ay napabilang sa komunidad na iyan, sa halip, may dahilan kaya tayo nabubuhay kasama nila sa mundong ito. Abutin natin sila sa pamamagitan ng pagdama sa kanilang dalahin sa buhay.

Inabot ng Panginoong Jesus ang mga tao. Ang nakita at nadama ay hindi sinarili ng Panginooong Jesus. Agad Niya itong sinabi sa mga alagad. Ang pasanin para sa mga nangangailangan ay Kanyang ibinahagi sa mga taong nalalaman Niyang makikiramay sa Kanya at sa mga taong Kanyang kinahabagan. Ipinakita Niya ang dami ng mga taong nangangailangan. Hinimok Niyang manalangin sa Diyos ang mga alagad nang sa ganoon ay magpadala ang Diyos ng mga mang-aani.

Maliban sa mga pagsasagawa natin ng mga gawaing Cristiano, sa ating mga pagtitipon, isama natin ang mga pagpaplano sa konkretong pamamaraan kung paano natin maaabot ang mga taong ito. Idalangin nating tayo ay bigyan ng Diyos ng karunungan kung paano tayo makikipag-ugnay sa ating komunidad upang makatulong tayo at makatugon sa kanilang mga pangangailangan.

Pagpalain tayong lahat ng Panginoong Jesus!

Pastor Jhun Lopez

Monday, February 7, 2022

THAT THE WORLD MAY KNOW HIS LOVE

      

Juan 3:16

Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

_____________________

Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos. Kultura halos sa buong mundo ang pagdiriwang sa buwan ng Pebrero bilang buwan ng pag-ibig. Bilang mga mananampalatayang Cristiano, tayo ay nakatuon, hindi sa pag-ibig na makasarili, kundi sa pag-ibig ng Diyos na walang kundisyon. Kaya sa buwan na ito, ating tatalakayin sa ating mga Pananambahan, ang napakadakilang pagmamahal ng ating Diyos - ang Diyos ng pag-ibig!

That the world may know His love. Isa sa nais ng Diyos na ating maunawaan at maipamalita sa sanlibutan ay pagkaunawa sa Kanyang pag-ibig. Sa Unang Sulat ni Juan kabanatang 4, may tatlong katangian ng pag-ibig ng Diyos ang ating makikita. Nais ng Diyos na malaman ng sanlibutan na ang pag-ibig Niya ay nagbibigay ng buhay (t,9), nagpapatawad ng kasalanan (t.10) at nagliligtas sa sanlibutan (t. 14). Ganoon kadakila at kamangha-mangha ang pag-ibig ng Diyos!

Tugon sa pag-ibig ng Diyos. Sa katotohanan ng Kanyang pag-ibig sa sanlibutan, ang pagtugon natin ay mahalaga. Dahil dito, higit pa nating kilalanin ang Diyos na umibig sa atin. Higit pa nating kilalalnin ang Panginoong Jesus na nag-alay ng buhay sa krus para sa atin. Maging masigasig tayo sa pagdalo sa mga pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa patuluyang pagdulog sa pananalangin. Maging aktibo at agresibo tayo sa pagdadala ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Makiisa sa gawain ng pagiging alagad na gumagawa ng  mga alagad (discipleship). Sama-sama tayong lumago at lumalim sa ating relasyon sa Panginoon.

Alalahaning nais ng Diyos na malaman at maunawaan ng sangkatauhan ang Kanyang pag-ibig! At ito ang ating pananagutan - ipamalita sa iba ang dakilang pag-ibig ng Diyos na Kanyang ipinadama sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo!


Pagpalain tayong lahat ng Panginoong Jesus!

Pastor Jhun Lopez

FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...