Sunday, January 22, 2023

BUBUHOS ANG PAGPAPALA _ Ang Pagpapala ng Diyos sa taong 2023

“Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” 

Lucas 6:38

MAGBIGAY AT TAYO AY BIBIGYAN. Sino ba ang aayaw sa pagpapala? Sino ba magsabing, “Huwag mo akong bigyan!” Masarap naman talaga ang sumalo ng maraming biyaya. Subalit ang paraan ng Diyos upang matanggap natin ang Kanyang mga biyaya at pagpapala ay hindi sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga kamay at hintaying ibigay ang para sa atin. Bagkus, ang pamamaraan ng Diyos ay ito, “Magbigay ka at bibigyan ka ng Diyos!” Simulan mong magbigay na may kasiyahan. Ang Diyos ang bahala sa kasunod na pagpapala.

SIKSIK, LIGLIG, UMAAPAW. Masaganang pagpapala ang ipagkakaloob ng Diyos sa mga mapagbigay. Sapat at higit pa sa inaasahan mong tatanggaping pagpapala ang ibibigay Niya. Ang Diyos ay Diyos na mapagpala. “Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan” (2 Corinto 9:8). Ito rin ang sinabi ni Pablo sa mga Cristiano sa Corinto na ang kanilang aanihin ay ayon sa dami ng kanilang itinanim. Maging generous giver, at asahan nating “buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Filipos 4:19).

GAGAMITING PANUKAT ANG ATING PANUKAT. Ang paraan at damdamin sa pagbibigay natin ay siya ring pamantayan sa mga kaloob ng Diyos sa atin. Hindi ito basta lamang pagbibigay at pagkatapos ay maghihinay ka naman ng iyong tatanggapin. Kaya nga, ang Biblia, na ating gamit na panukat sa buhay pananampalataya, ay gumagabay sa uri ng ating buhay Cristiano kasama ang pamamaraan ng ating pagbibigay. Hindi ito overtime natutuhan. Ang kakayahang magbigay ay isang espirituwal na kaloob. Ito ay lumalagong kakayahan habang tayo ay lumalalim sa pananampalataya.

Sa taong 2023, ipamuhay ang buhay na mapagbigay, at asahang ang Diyos na mapagpala ay Siyang magbubuhos ng saganang pagpapala!

_______________________

 

 Lingkod Ninyo, 

Pastor Jhun Lopez


Thursday, January 19, 2023

PASASALAMAT sa kabutihan ng Diyos sa taong 2022

   “Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.” 

Panaghoy 3:22-23

_______________________

PAG-IBIG NG DIYOS AY HINDI NAGMAMALIW. Lubos ang aking pasasalamat sa pag-ibig ng Diyos na hindi nagmamaliw. Hindi natatapos. Hindi nauubos. Damang-dama ko ang pag-ibig Niya lalo na sa nakaraang taon. Dalawang taon tayong napandemya, ngunit namalas natin ang patuluyang biyaya ng Diyos sa ating mga pamilya lalo na sa ating pakikipag-ugnay sa Kanya. Masasabi nga nating may katiyakan, “Hindi Niya ako iniwan ni pinabayaan man.” Di lingid sa inyo na sa pagpasok ng taong 2022, naranasan ko ang pakikipag-agawan sa buhay. Kasabay ng paglala ng kalagayan ng aking kidney, ako ay nagpositibo sa COVID-19. Ang pag-ibig ng Diyos ay aking naranasan. Isang taon ang lumipas, isang taong dialysis, dalawang beses sa isang linggo, ako ay kasama pa rin ninyong naglilingkod! 

KAHABAGAN NG DIYOS AY WALANG KAPANTAY. May hihigit pa ba sa habag ng Panginoon? Pinagsisikapan nating maging mahabagin o maaaring nagagawa nating maging mahabagin, ngunit kakaiba pa rin ang habag ng Diyos na aking naranasan sa nagdaang taon. Siya ang nagbigay ng patuloy na buhay. Hindi man kasing lakas noong aking kabataan, ang lakas na bigay Niya ang dahilan kung bakit ako ay patuloy sa paglilingkod. Siya ang nagkakaloob ng mga pangangailangan. Lalo na sa aking regular na budget para sa dialysis at mga gamot. Hindi Siya nagkulang at magpahanggang ngayon, kitang-kita ng lahat ang habag Niya sa aking buhay. Purihin ang Diyos!

LAGING SARIWA BAWAT UMAGA. Ang taong 2023 ay panibagong umaga sa buhay ng bawat isa sa atin. Pasalamatan ang lahat ng ginawa ng Diyos sa buhay natin sa taong 2022. Magtiwala tayong sa bagong taong ito, ang dakilang katapatan ng Diyos ay patuloy nating mararanasan. At lakas loob nating aasahan ang mga bagong gagawin ng pag-ibig at habag ng Diyos sa ating mga buhay.

PASASALAMAT sa Diyos sa ginawa Niya sa buhay natin sa taong 2022 at pag-asa sa gagawin pa Niya sa taong 2023! 

 Lingkod Ninyo, 

Pastor Jhun Lopez


Sunday, January 8, 2023

SA BAWAT TAON _ Pagpapasimula ng Taong 2023

  “Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.” 

Juan 15:5


_______________________

SI JESUS ANG PUNO NG UBAS. Sa bawat taon, ngayong 2023, patuloy ang Panginoong Jesus bilang pinagmumulan ng ating buhay. Maraming pagkakataong ipinakilala Niya ang sarili bilang “Buhay;” Tubig at Tinapay na Nagbibigay-buhay (Juan 4:14, 6:35), ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay (Juan 11:25) at ang Daan, Katotohanan at ang Buhay (Juan 14:6). Siya, bilang Puno ng Ubas, ang dahilan kung bakit naririto tayo. Ang buhay natin ay sa Kanya nakasalalay lalo na sa pagpasok ng taong ito. Siya ang Panginoong lagi nating kasama; di nang-iiwan at di nagpapabaya. Ang hubog ng ating buhay ay makikita sa ating patuluyang pakikipag-ugnay sa Kanya.

TAYO ANG MGA SANGA. Ang sinumang sanga ay hindi makapamumuhay mag-isa. Ang pananatili natin sa Puno ng Ubas ay napakahalaga upang magpatuloy tayo sa tamang pamumuhay bilang mga mananampalataya. Ang pag-ibig na naranasan natin mula sa Panginoon ay siya ring pag-ibig ang maipadarama natin sa ating kapwa lalo na sa ating mga kapatiran. Kung malayo tayo sa Panginoon, malabong magawa natin ang nais Niyang gawin natin sa ating mga kapwa. Kaya nga, mahalagang tayo ay patuloy sa pakikipag-ugnay at pagsunod sa Kanya sa pagpasok ng taong 2023.

SIYA ANG PUNO, TAYO ANG MGA SANGA. Ang Iglesia, bilang samahang pinagsasamahan natin ay mamumunga ng sagana kung bawat isang “sanga” ay magbibigay ng saganang bunga. Ang taong 2023 ay magiging masaganang taon para sa bawat isa kung tayo ay mananatili sa Kanya. Magiging maunlad at matatag ang Alpha & Omega IEMELIF Church kung bawat isa sa atin ay magdadala ng masaganang pamumunga. Mga buhay na patuloy sa pagbabago at mga kaanib na nagdadala ng mga inaakay sa pananampalataya sa Panginoong Jesus!

SA BAWAT TAON, may gagawin ang Diyos sa buhay nating lahat!  

Lingkod Ninyo,

Pastor Jhun Lopez


FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...