Sunday, January 22, 2023

BUBUHOS ANG PAGPAPALA _ Ang Pagpapala ng Diyos sa taong 2023

“Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” 

Lucas 6:38

MAGBIGAY AT TAYO AY BIBIGYAN. Sino ba ang aayaw sa pagpapala? Sino ba magsabing, “Huwag mo akong bigyan!” Masarap naman talaga ang sumalo ng maraming biyaya. Subalit ang paraan ng Diyos upang matanggap natin ang Kanyang mga biyaya at pagpapala ay hindi sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga kamay at hintaying ibigay ang para sa atin. Bagkus, ang pamamaraan ng Diyos ay ito, “Magbigay ka at bibigyan ka ng Diyos!” Simulan mong magbigay na may kasiyahan. Ang Diyos ang bahala sa kasunod na pagpapala.

SIKSIK, LIGLIG, UMAAPAW. Masaganang pagpapala ang ipagkakaloob ng Diyos sa mga mapagbigay. Sapat at higit pa sa inaasahan mong tatanggaping pagpapala ang ibibigay Niya. Ang Diyos ay Diyos na mapagpala. “Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan” (2 Corinto 9:8). Ito rin ang sinabi ni Pablo sa mga Cristiano sa Corinto na ang kanilang aanihin ay ayon sa dami ng kanilang itinanim. Maging generous giver, at asahan nating “buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Filipos 4:19).

GAGAMITING PANUKAT ANG ATING PANUKAT. Ang paraan at damdamin sa pagbibigay natin ay siya ring pamantayan sa mga kaloob ng Diyos sa atin. Hindi ito basta lamang pagbibigay at pagkatapos ay maghihinay ka naman ng iyong tatanggapin. Kaya nga, ang Biblia, na ating gamit na panukat sa buhay pananampalataya, ay gumagabay sa uri ng ating buhay Cristiano kasama ang pamamaraan ng ating pagbibigay. Hindi ito overtime natutuhan. Ang kakayahang magbigay ay isang espirituwal na kaloob. Ito ay lumalagong kakayahan habang tayo ay lumalalim sa pananampalataya.

Sa taong 2023, ipamuhay ang buhay na mapagbigay, at asahang ang Diyos na mapagpala ay Siyang magbubuhos ng saganang pagpapala!

_______________________

 

 Lingkod Ninyo, 

Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.

FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...