Saturday, August 28, 2021

HIGIT ANG MABUTI SA MASAMA

     

1 Samuel 18:10-12

Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, ... dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David.

Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya.

_____________________

Ginambala ng Masamang Espiritu. Nilisan ng Espiritu ng Diyos si Haring Saul dahil sa pagsuway nito sa utos ng Diyos. Dahil dito, masamang espiritu ang gumagambala sa kanya. Nawawala siya sa sarili tuwing siya ay nilulukuban ng masama. Sa tuwing mangyayari ito, pinatutugtog ng alpa si David at ang  masamang espiritu ay umaalis. Malamang, ito ay sa dahilang ang tugtugin ni David ay papuri at pakikipag-ugnayan sa Diyos katulad ng kanyang naisulat na Aklat ng mga Awit. Sa tugtugin pa lamang ay daig ng mabuti ang masama.

Dalawang Beses Sinibat. Hindi nagustuhan ni Saul at ikinagalit niya ang papuri ng mga tao kay David. Naging masama ang pagtingin niya dito. Kaya nga, nang gambalain siya ng masamang espiritu, dalawang beses niyang tinangkang patayin si David sa pamamagitan ng pagsibat. Pareho niya itong nailagan (1 Samuel 18:8-11). Naulit pa ito sa panahong manugang na niya si David. Muli siyang nilukuban ng masamang espiritu at muling sinibat si David. Nailagan din ito ni David (1 Samuel 19:9-10). HIndi nagtagumpay ang masama.

Pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi makapagtagumpay si Saul sa balak niyang pagpatay kay David. Natakot siya kay David at tinanggap niyang ito ay pinapatnubayan ng Diyos. Gayundin, nalalaman niyang wala na sa kanya ang patnubay ng Diyos bilang hari ng Israel. Ipinakasal pa niya kay David ang anak na si Mical sa planong maipapatay ito ngunit minahal ito ng anak niya na lalong nagpatunay ng patnubay ng Diyos kay David (1 Samuel 18:24-28). Ang taong nasa panig ng Diyos ay hindi pananaigan ng masama.

Sumasaatin ang Mabuti. Ang Panginoong Jesus ay sumasaatin ayon sa Kanyang pangako. Ang Banal na Espiritu na Kanyang ipinangakong patnubay ng Kanyang mga alagad ay Siyang sumasakop sa bawat mananampalataya. Tayo ay gumagalaw sa mundong punung-puno ng kasamaan. Nag-aabang lagi ang kaaway, ang masama, upang tayo ay "sibatin" at pagtangkaang ihulog sa pagkakasala. Hindi sila magtatagumpay sapagakat ang mabuti ng Diyos ay laging tagumpay at walang masamang makahihigit dito.


Pastor Jhun Lopez

Wednesday, August 18, 2021

PAGHARAP SA MGA HIGANTE

    

1 Samuel 17:45, 50

Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak."

Natalo nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak.

_____________________

Natalo ni David si Goliat. Isang binatilyong pastol ng mga tupa ang tumalo sa matipunong kawal ng mga Filisteo na may taas na halos 10 talampakan ang taas. Dagdag pa rito ang katawan niyang nababalot ng tansong damit na pandigma at sibat na ang tulis ay mahigit sa siyam na kilo ang bigat (t. 4-7). Tinalo ni David ang higanteng  nanlait at sumumpa sa kanyang ipakakain ang bangkay niya sa mga ibon at mga hayop. Nagtagumpay siya sapagkat maliwanag ang kanyang pananampalataya, "lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh.

Sa pamamagitan ng tirador at bato. Makapangyarihan ang Diyos ng Israel. Naganap, hindi ang sinabi ni Goliat na ipakakain si David sa mga hayop, kundi ang sinabi ni David, "makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat" (t. 47). Ang kasuotang pandigmang ibinigay ni Saul ay hinubad niya. Sa halip ay dinampot niya ang kanyang tungkod at kumuha ng limang makikinis na bato sa sapa saka inilagay sa supot pampastol (t. 38-40). Kaya nang magharap sila ni Goliat, dumukot ng bato at tinirador ang higante. Natalo ang higanteng humamak sa Diyos ng isang pastol na may matibay na pananampalataya sa Diyos na makapangyarihan!

Napatay si Goliat kahit walang tabak. Patay na bumagsak sa lupa si Goliat matapos na bumaon ang batong itinirador ni David na tumama sa kanyang noo. Natalo ng batambatang si David ang palalong higanteng naghasik ng takot sa buong bayan ng Israel sa nakaraang apatnapung araw. Ang mga matitipunong kawal, kabilang na ang mga kapatid ni David, ay kapwa natakot at walang nais na lumaban sa higante maliban kay David na nagsabi sa Haring Saul, "Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya" (t. 32). At ipinahayag niya ang matibay niyang pananampalataya, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon” (t. 37).

Maraming higante ang pilit na humahamon sa atin sa labanan. Di maiiwasang hindi natin labanan sapagkat ang mga ito'y nasa atin-atin nang mga harapan. Ang tanging magagawa natin'y harapin ang mga higante at simulan ang pakikipaglaban. Hindi sa dahilang may sandata tayo o kasuotang pandigma kundi sa pananampalatayang tayo ay may Diyos na makapangyarihan sa lahat na Siyang magpapatagumpay sa atin upang matalo ang mga higanteng sumusubok sa ating pananampalataya.


Pastor Jhun Lopez

Sunday, August 8, 2021

ANG PANGINOON AY TUMITINGIN SA PUSO

   

1 Samuel 16:7

“Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”

_____________________

Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Matapos ang pagsuway ni Haring Saul sa iniutos ng Diyos, ang kanyang trono ay nagsimula ng bumagsak. Pinapunta ng Diyos si Samuel sa tahanan ni Jesse upang hirangin ang susunod na hari. Ang panganay na si Eliab ay inakala niyang pipiliin, subalit ito ang sinabi ng Diyos, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan." Kadalasa'y katulad tayo ni Samuel, ang agarang basehan ay ang nakikita ng ating mga mata. Di man nagiging mapanghusga, pero ang kadalasang pamantayan natin ay naaayon sa magandang paningin o kaya'y sa kakayahan ng taong nasa harapan natin.

Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Walang mali sa pagtingin ni Samuel. Gayunpaman, sa pitong magkakapatid, sa kabila ng kanilang taas at kisig, wala sa kanila ang pinili ng Diyos upang pumalit na hari ng Israel. Kung pamantayan lamang ni Samuel, madali na siyang makahihirang ng hari. Hindi siya mali subalit kailangan niyang tiyakin ang kalooban ng Diyos at hindi ang sariling kagustuhan lamang. Maraming pagkakataon sa buhay nating kinakailangang ibaba ang ating gusto sa gusto ng Panginoon. Tumingin ayon sa Kanyang pagtingin.

Sa puso tumitingin si Yahweh. Panloob na pamantayan. Mahalaga ang kalagayan ng puso ng isang tao sa paghirang ng isang lingkod Niya. Kung si Haring Saul ay pinili ng taong bayan, ang pipiliing kapalit na hari ngayon ay titiyakin ni Samuel na Diyos ang pumili. Ipinasundo si David mula sa pagpapastol ng mga tupa. Kung sa panlabas na anyo ay hindi rin naman pahuhuli. Siya'y "makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata." Nang siya ay humarap kay Samuel, sinabi ng Diyos, "Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis."

Nakita ng Diyos ang nilalaman ng puso ni David. Pinili siya, hindi dahil sa kanyang lakas, talino at kakayahan. Pinili siya ng Diyos sapagkat siya ay may pusong masunurin. pusong mapagpakumbaba at pusong makadiyos. Tandaan nating nakatingin ang Diyos sa puso ng bawat taong hihirangin Niya sa isang natatanging gawain. Nawa'y sa pagharap natin sa Kanya, sabihin din naman ng Diyos, "Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis."


Pastor Jhun Lopez

FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...