Friday, June 23, 2023

Paano Mapapanatili ang Tao sa Kapilya?: BAKIT AKO MANANATILI?

51 taon na ang Sangandaan IEMELIF Church. Mula sa limang kapatiran, ito ay naging 54. Paglipas ng tatlong taon, bumilang ng 88. Taong 1966, naging ganap na Kongregasyon sa bilang na 121 kaanib.

Sa kasalukuyan, mahigit 130 lamang ang bilang ng senso ng mga kaanib. Ano ang ibig sabihin nito??? Isa sa mga kasagutan ay ito: MARAMI ANG HINDI NANATILI SA IGLESIA! Hindi nangangahulugang tayo ay hindi nadaragdagan. Sa katunayan, sa kasalukuyan nating bilang, marami ang mga bagong kaanib at ang ilan ay mga panauhin. Subalit marami sa mga minsang nakasama at dumalo ay hindi nananatiling aktibo sa pagiging kaanib. At ang ilang mga inaasahan nating magiging bahagi sa pag-ani ng mga tao ay hindi rin aktibong nakikiisa sa mga gawain ng Iglesia.

Paano mapapanatili ang mga tao sa kapilya? Ito ang malaking tanong na dapat nating sagutin. Kung tayo’y umaasa sa SAGANANG ANIHIN, kailangang magkaroon ng tamang programa o pamamaraan ang ating Kongregasyon sa pagpapanatili ng mga kaanib; luma man o bago ito. Unahin natin sa ating mga sarili.  Itanong, “BAKIT AKO MANANATILI?Naniniwala akong marami ang hindi nanatili dahil hindi niya nasagot ang tanong na ito. Aalis ka tiyak! Kung ang tanong na ito ay hindi mabibigyan ng kasagutan.

Pastor JLo

Thursday, June 22, 2023

Bitamina - Cristiano: Vitamin E = ENCOURAGEMENT

 

Isang araw, may isang “matatag” na Cristiano. Gusto siyang pabagsakin ng kaaway. Pinadalhan siya ng sakit. Siya’y nagpatuloy! Inagaw ang mga ari-arian niya. Lalo siyang lumapit sa Diyos! Namatay ang mga mahal niya sa buhay. Hindi siya  pinanghinaan ng loob!

Hanggang sa siya ay bulungan ng diablo, “Hindi ka ba napapagod? Wala namang nangyayari sa mga ginagawa mo.” Napabuntunghininga si “matatag”. Siya’y umuwi ng bahay, pagod at nanlulumo. At sinabi, “Magpapahinga muna ako sa paglilingkod sa Diyos.

Vitamin E = Encouragement. Maraming Cristiano ang matatag na tumatayo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Kahit tayo’y umuuwing “bugbog-sarado”, muli tayong babangon at magpapatuloy sa paglilingkod. Ito’y hangga’t may nagbibigay sa atin ng encouragement. Ang magpapabagsak sa atin ay mga pananalitang nakapanghihina o discouragement.

Maaari tayong magbigay kalakasan sa simpleng pagngiti, pakikipagkamay, at pagtapik sa balikat. Ang mga salitang “kumusta” at “salamat” ay nakagagaling sa isang pusong nalulumbay. Lalo na ang aktuwal na pagtulong at pagdamay sa kapatirang nasa panahon ng kapighatian. Kailangan natin ng kalakasan. Kailangan natin ng Vitamin E. Hanapin ito sa kapatiran. At higit dito, nasain mong maging encouragement ka sa iba.

 

Wednesday, June 21, 2023

Bitamina - Cristiano: Vitamin D = DEITY

 Iisa lang naman ang Diyos nating lahat. Kahit anong relihiyon pa ‘yan, pare-pareho lang ang ating patutunguhan.” Ito at marami pang ibang komentaryo ang ating maririnig sa taong hindi lubos na nauunawaan ang Diyos na tinutukoy sa Banal na Kasulatan. At ang kakulangan ng pagkaunawa sa Diyos ay nagdadala sa atin ng         mahinang kalagayan ng pananampalataya.

Vitamin D = Deity. Nagdudulot ng kalakasan ang pagkakilala sa Diyos. Makikita sa buhay ng isang tao kung sino at kung anong uri ng Diyos ang kanyang sinasampalatayanan. Maging ang sumasamba sa ibang diyos ay may mga karanasang naaayon sa kanyang pananalig. Kung gaano mo kakilala ang Diyos, iyon din ang magiging sukatan ng uri ng iyong pamumuhay.

Tandaan: Tayo ay may iisang Diyos at ang Diyos ay kumikilos sa tatlong persona; ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Ang Ama ay Diyos. Ang Anak ay Diyos. Ang Espiritu ay Diyos. Magkakaibang persona subalit hindi sila tatlong Diyos. Nananatili ang kaisahan ng Diyos (Trinity). Ang ganitong pagkakilala sa Diyos ay magdudulot sa atin ng kalakasan. Ang kapangyarihan ng iisang Diyos; Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, ay natitiyak nating gumagawa sa ating mga buhay anuman ang kalagayan at nararanasan natin sa kasalukuyan.

Pastor JLo


 

Tuesday, June 20, 2023

Bitamina - Cristiano: Vitamin C = CONFESSION

 "Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito…" (1 Juan 1:9)

Ang bawat Cristiano ay pinawalang-sala mula pa nang ipahayag nito ang pananampalataya kay Jesus. Ang mga kasalanang minana kay Adan at kasalanang nagawa’t ginagawa ay pinawi na sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong Jesu-Cristo na nabubo sa krus ng Kalbaryo. Subalit sa angking kahinaan at pagkatao, may mga Cristianong nahuhulog sa pagkakasala at may ibang namumuhay na sa kasalanan. Ang kasalanan sa kasalukuyan na hindi naihihingi ng kapatawaran ay sanhi ng mahina at mabuway na buhay espirituwal.

Vitamin C = Confession. Tayo ay nasa ikalawang yugto ng pagliligtas ng Diyos–ang pagpapaging-banal ng ating mga buhay. Nahuhulog pa nga tayo sa pagkakasala. Subalit ang pagpapaging-banal sa ating mga buhay ay nagaganap habang ang mga kasalanang ating nagagawa ay naipapahayag sa Diyos. Tandaan: ipahayag (confess) lamang ang kasalanang nagawa, tiyak ang pangako ng pagpapatawad ng Diyos! At ang malaking kalakasan sa bawat isa, “lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan.”

Matagumpay kung ang buhay ay malaya sa anumang uri ng kasalanan at karumihan.

Pastor JLo

Monday, June 19, 2023

Bitamina - Cristiano: Vitamin B = BIBLE

 "The Scriptures were not given to increase our knowledge but to change our lives." -- D. L. Moody

Ang buhay na matagumpay ay nakasalalay sa Banal na Kasulatan. Kung paanong nagiging bahagi ang Biblia sa buhay ng isang tao ay siya ring magiging bunga sa uri ng pamumuhay nito.

Vitamin B = Bible. Walang pasubali na ang Biblia ay  pagkain ng ating espiritu. Sa isang Cristiano, ang Salita “ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa  pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (2Tim 3:16). Ang Biblia ay kalakasan sa mga nanlulupaypay…kaaliwan sa mga nalulumbay…pag-asa sa mga nag-uumayaw. Gayon din, ang Biblia ay pamalo sa mga pasaway! Isang tabak na dalawa ang talim na  sumusugat maging sa pinakatagong bahagi ng ating         buhay. Hindi upang tayo ay parusahan lamang. Bagkus, ang sugat na dulot Nito ay bumabago sa buhay maging sa pinakapasaway na Cristiano sa loob ng Iglesia.

Bakit may mga Cristianong nanghihina? Bakit maraming Cristiano ang nananatiling talunan sa tukso ng kasalanan? Basahin, sauluhin, at pag-aralan ang Biblia ngayon. Maging patuluyang bahagi ng ating buhay ang pinakamakapangyarihang kagamitan ng bawat Cristiano. Ang Biblia ay ating kalakasan!

Pastor JLo

 

Sunday, June 18, 2023

Bitamina - Cristiano: Vitamin A = AFFLICTION

 

“Pagdating ng pagsubok, bibigyan Niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1Cor.10:13)

Naniniwala akong masaya ang buhay Cristiano. Ganap at kasiya-siya ang buhay ng taong napapabilang sa mga tupa ni Jesus. Subalit naniniwala rin akong ang mga problema, pagsubok, pasakit, at iba pa ay bahagi ng   paghubog sa atin ng Diyos tungo sa higit na masayang buhay. Bawat Cristiano, kasabay ng mga pagpapalang tinatanggap niya sa Diyos, ay dumaranas ng iba’t ibang pagsubok na nagiging kalakasan matapos malampasan ang anumang suliraning dumaan.

Vitamin A = Afflictions. Masamang kalagayan, kaguluhan, kahirapan, matinding pagsubok. Sino ang hindi nakaranas ng mga ito minsan sa kanyang buhay. Ang iba sa atin marahil ay kasalukuyang nasa gitna pa nito. Hindi tayo makakaiwas sa mga afflictions. Gayon man, magagawa nating maging payapa’t masaya magtambak man ito sa ating buhay.

Sa araw na ito, baguhin ang pananaw sa mga afflictions. Maaaring nahihirapa’t nasasaktan tayo sa kasalukuyan, subalit tingnan natin itong kalakasa’t katatagan sa hinaharap. Maaaring nabibigatan tayo sa dala-dalang pasanin, gawin natin itong panahon ng pananampalataya sa Diyos na nagbibigay kalakasan. Alalahaning matatapos din ang lahat ng mga ito.

Pastor JLo

Saturday, June 17, 2023

SA GITNA NG BAGYO… MAY LIWANAG!

 “Let your light shine before men…””

Madaling maging Cristiano, subalit hindi madali ang magpakaCristiano! Ito ang madalas nating marinig sa mga mananampalatayang tila nahihirapang ipamuhay ang matagumpay na pamumuhay-Cristiano. Mahirap nga naman!!!

Ano ang gagawin mo??? …kung inaaway ka ng kapitbahay mo? …kung may karamdaman ka ngayon? …kung ang takalan sa bigasan ay tumutuktok na? …kung ang mga problema’y nagtambak sa’yo gayong ang mga kakilala mong hindi Cristiano ay nananagana’t tila walang problema? Magliliwanag pa kaya ang iyong ilaw?

Maraming tauhan sa Banal na Kasulatan ang huwaran sa mabuting pamumuhay sa gitna ng masamang panahon. Nagliliwanag ang buhay habang tumatalukbong ang dilim ng unos at humahagupit ang lakas nito. Mga buhay na matagumpay…nagliliwanag sa gitna ng bagyo!

Isa si Esteban sa mga huwaran. Matapos niyang ipangaral ang Mabuting Balita, siya ay kinaladkad palabas at pinagbabato hanggang sa kamatayan. Kapansin-pansing, habang siya ay binabato, winika niya, “Panginoon, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito” (Gawa 7:60). Napakagandang liwanag!

Pastor JLo

 

Friday, June 16, 2023

SA GITNA NG BAGYO… MAY PAGPAPALA!

 Bigyan Mo kami ng aming kakanin sa araw-araw.”

Paano kung natanggal ka sa trabaho? Paano kung wala ka namang pera? Paano kung nagtambak ang bayarin mo? Paano magiging sapat ang biyaya?

Napakarami nating mga paano sa buhay. Lalo’t ang mga pagsubok at problema ay nagkasabay-sabay. Anong pagpapala ang ating matatanggap kung ang lahat ng mga nagaganap sa ating buhay ay kapahamakan.

Kapag bumabagyo, bumubuhos ang ulan. Malakas na hangin ang sasalubong sa atin. Tingnan natin sa mas maliwanag na bahagi; ang malakas na ulan at hangin ay katumbas ng pagpapalang dumarating. Dala ng pagsubok ang katatagan ng ating pananampalataya. Dala ng problema ang pagkalinga ng mapagmahal na Ama. Dala ng karamdaman ang presensiya ng Dakilang Manggagamot.

Tulad ng karanasan ni Pablo sa panahon ng bagyo, sinabi ng Diyos, “Ang aking biyaya ay  sapat na sa iyo” (2 Corinto 12:9). May pagpapala sa gitna ng bagyo!

Pastor JLo

 

Thursday, June 15, 2023

SA GITNA NG BAGYO… MAY KAPAYAPAAN!

 Kapayapaan!!!

Ito ang sigaw ng karamihan lalo na kung ikaw ay nakatira sa lugar na punung-puno ng kaguluhan. Subalit kahit anong gawin natin, ang mundong ating ginagalawan ay patuloy sa kaguluhan. Walang taong makapagsasabing malaya na siya sa mga problema. Sa halip, ang mga suliranin ng buhay, tulad ng isang bagyo, ay tiyak na darating at darating.

Paano nga ba tayo magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga bagyo ng buhay?

Alalahanin nating lagi ang kapayapaang ibinibigay ng Panginoong Jesus. Ito’y hindi katulad ng kapayapaang dulot ng mundo. Ang kapayapaang handog Niya sa atin ay pang-walanghanggan, hindi pansamantala.

Umasa tayo bilang mga alagad ni Jesus na sa gitna ng bagyo; hirap, sakit, problema, atbp., tayo ay may Panginoong lagi nating  kasama. Hindi Niya tayo iiwan. Hindi  pababayaan. Tiyak ang kapayapaan!

Pastor JLo

 

Wednesday, June 14, 2023

SA GITNA NG BAGYO… MAY KAGALAKAN!

 Hahahaha!!! Hihihihihi!!! Hehehehe!!!

Masaya ang buhay! Subalit paano kung ang kasalukuyang kalagayan ay tila mabigat at masakit na karanasan? Magsasaya ka pa rin ba? Tatawa ka pa kaya?

Ang bagyo ay darating kahit anong pigil natin. Katulad ng mga problemang pilit na sumisiksik sa takbo ng ating mga buhay. Pagkatapos ng isa, parating naman ang isa pa. At may pagkakataong nagkakasabay pa!

Sabi nga ni Freddie Aguilar, “Tawanan mo ang iyong problema.” Ngunit paano kung ang dilim ng paligid ang sumasakop sa dapat ay magandang umaga para sa atin?

Ang halimbawa ni Pablo ay hihimok sa ating “magalak lagi” kahit sa panahon ng ‘bagyo’. Nagalak siya sa loob ng kulungan. Nagalak siya kahit nalalaman niyang malapit na ang kanyang pagpanaw. Madilim ang paligid subalit nagawa niyang magalak! (cf. Gawa 16:19-40; Filipos 4:4)

Anong bagyo ang nararanasan mo ngayon??? Inuulit ko, sa gitna ng bagyo, may kagalakan tayo!

Pastor JLo

Tuesday, June 13, 2023

Bibigyan ka ng Diyos: NAKAHANDA SA BIGAY NG DIYOS

 

Lahat nga ba ng ating tinatanggap at tinatamasa ay bigay ng Diyos? Naniniwala akong ang isang mananampalatayang sumusunod sa Diyos ay tiyak na tatanggap ng gantimpala mula sa Diyos. At ang mga sumusuway ay tatanggap naman ng pagdisiplina ng Diyos. Sa magkabilang panig, ang Diyos pa rin ang nagbibigay. Kaya’t ang malaking tanong, “Ano ang ibibigay ng Diyos sa akin ayon sa buhay na ipinakikita ko sa Kanya?

BIBIGYAN KA NG DIYOS! Pagtuunan natin sa buwan ng Nobyembre ang mga pagpapalang bigay ng Diyos sa atin. Ang mga palo o parusa bunga ng ating mga kasalanan ay ating isantabi at bigyan diin natin ang mga biyayang nakalaan sa bawat Cristianong lumalakad sa matuwid na landas ng ating Panginoon.

Paghandaan natin ang mga prinsipyo tungkol sa pagpapalang ibibigay ng Diyos. Alamin natin at isabuhay ang susing ibinigay ng Diyos nang sa gayo’y makamit natin ang mayamang biyaya ng Mapagkaloob na Panginoon natin.

Ihanda ang sarili sa saganang biyaya ng Panginoon na mag-uumapaw sa ating mga buhay. BIBIGYAN KA NG DIYOS!

Pastor JLo

 

UNA TAYONG INIBIG NG DIYOS

 

ISANG KUWENTO NG PAG-IBIG. Nagmamadali sa pagtakbo si    Andres. Dala ang sariwang puso ng kanyang ina. Ito kasi ang hiniling ng nililigawan—kunin ang puso ng ina bilang patunay ng kanyang pag-ibig. Ginawa niya ito kahit labag sa loob makuha lang niya ang matamis na “Oo” ng minamahal. Lakad-takbo. Duguan ang kamay. Kinakabahan. Natatakot sa ginawang kasalanan. “Thug!” Nadapa si Andres. Tumilapon ang puso ng ina. Nang akmang aabutin na niya ito, gumalaw ang puso at nagwika, “Nasaktan ka ba, anak!” Kay-gandang paglalarawan ng pag-ibig ng isang ina!

UNA TAYONG INIBIG NG DIYOS. Higit ang pag-ibig ng Diyos sa   lahat. Walang makahihigit at walang makatutulad. “Ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin, nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa” (Roma 5:8). Isang pag-ibig na unang ipinadama bago pa man tayo umibig sa Kanya. Bago pa man natin natutuhang umibig sa Diyos at sa ating kapwa. Ang pag-ibig ng Diyos na ito ang umuukilkil sa kaloob-looban ng puso ng tao nang sa gayo’y mabigyan ng pagkakataong magpasyang manampalataya kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ng angking buhay.

SA PAGMAMAHAL NG DIYOS. Ang buwan ng Pebrero ay buwan ng pagdiriwang ng pag-ibig. Hindi ng pag-ibig ni Valentino, na tila para sa iba ay siyang idolo ng pag-ibig. Bagkus, tayo’y lumalim at magkaroon ng matibay ng pagkaunawa sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin. Sa pagmamahal ng Diyos… ang kasalanan ay nagkaroon ng katubusan… ang kaligtasan ay nakalaan na sa sinumang sasampalataya kay Jesus. Sa pagmamahal ng Diyos… binibigyan Niya tayo ng pagkakataong mahalin rin naman ang ating kapwa  tulad ng pag-ibig na Kanyang ipinadama sa bawat isa. Sa pagmamahal ng Diyos… tayo’y magsama-sama sa Iglesiang ito na may pagmamalasakitan. At pagtulungan nating abutin ang mga hindi pa mananampalataya… sa pagmamahal ng Diyos!

Pastor JLo

Monday, June 12, 2023

MABUTING KATIWALA NG DIYOS

ANG MAYAMANG HANGAL. Ito ang wika ng mayamang hangal, “Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!” Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay” (Lucas 12: 19-20). Maraming tao ang nasa ganitong pag-iisip. Ang yamang natatamo ay inilalaan lamang para sa kasiyahan ng sarili. Ang mga pagpapalan natatanggap mula sa Diyos ay naitutuon sa mga bagay na walang kabuluhan sa harapan ng Panginoon. Ang tawag sa kanila ng Diyos ay “hangal.”

MABUTING PAGKAKATIWALA. Ang Nobyembre ay itinakda sa buong kalaganapan ng IEMELIF sa diwa ng pagkakatiwala at  pagkakaloob.  Naniniwala tayo bilang mga Cristiano na ang lahat ng ating tinatamasa sa mundong ito ay kaloob at ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin. Sa ganitong diwa, ang pagiging mabuting katiwala ay isang Cristianong pag-uugali na nararapat lamang  nating gampanan.

ANG CRISTIANONG KATIWALA. Katapatan. Ang katangiang ito ay isa sa mga pangunahing kailangan ng isang katiwala. Mahirap pagkatiwalaan ang taong sinungaling at nagtatago sa likod ng isang maskara. Una’y tapat sa Diyos… sa mga pagdalo sa gawain, sa pagkakaoob ng ikapu… sa pananalangin at pagbabasa ng Biblia. Ikalawa’y tapat sa tao… para sa akin, isang malaking pagkukunwari ang pagpupuri’t pagsamba ng isang tao kung ito naman ay hindi makakitaan ng tamang pakikipag-ugnay sa mga taong nakapaligid sa kanya. Ang Cristianong katiwala ay tapat.

 Pastor JLo

Sunday, June 11, 2023

BUHAY NA NAKATALAGA

 

HINDI NAKALILIMOT SA DIYOS. Ito ang madalas na katuwiran ng mga mananampalatayang bihira mo nang makikita sa gawain ng Iglesia—kasama na ang Linggong pananambahan. “Hindi naman ako nakalilimot sa Panginoon.” Subalit ang malaking katanungan ay ang katotohanang sila ay hindi nagpatuloy sa paglilingkod matapos ang ilang panahon ng kanilang pagtatalaga ng buhay sa Panginoon. Hindi nga ba nakalimot? O ang pagtatalagang minsang isinagawa ay natigil at nakalimot?

BUHAY NA NAKATALAGA. Ang lalaking nakatalaga sa kanyang asawa ay mananatiling nagmamahal anumang dumating sa kanilang pagsasama. Ang mag-aaral na nakatalaga sa kanyang pag-aaral ay magtatapat sa magulang at paaralan hanggang sa kanyang pagtatapos. Ang empleyadong nakatalaga sa kanyang kompanya ay masipag na gagawa at walang pandaraya. Paano nakatalaga ang mananampatalayang Cristiano? Ang pagiging Cristiano ay hindi lamang pagpasok sa relihiyon. Ito ay isang buhay na nakatalaga sa Panginoon. Na kahit na anong mangyari, sa lahat ng panahon, ang pagsunod at paglilingkod sa Diyos ay hindi nahahadlangan—ang Diyos ang UNA sa kanyang buhay.

PAGTATALAGA. Naniniwala akong ang Sangandaan IEMELIF Church ay patuloy na lalago, lalakas, at titibay kung ang bawat kaanib ay magsisimulang magtalaga ng buhay sa Diyos. Ang panahon, talento, karunungan, kalakasan, at maging kayamanan ay nakalataga sa ikaluluwalhati ng Panginoon tungo sa paglaganap ng Kanyang Mabuting Balita sa ating komunidad. Tayo’y patuloy na lumalim sa pagtatalaga ng buhay sa Diyos!

 Pastor JLo

Saturday, June 10, 2023

SA ESPIRITU AT KATOTOHANAN

 

TANGGAP KA BA? Ang bawat isa sa atin ay nagpupunta sa kapilya tuwing araw ng Linggo upang sumamba sa Diyos. Ang  mapaglingkuran ang Panginoon sa papuri’t pagsamba ay pangunahin, maliban na lang kung may iba ka pang layunin.  Dahil dito, ako ay naniniwala na wala tayong ibang nais kundi ang matanggap ang ating handog—isang karampatang pagsamba. Ating alalahanin ang paghahandog na ginawa ng magkapatid na Cain at Abel. Pareho silang naghandog sa Diyos. Nag-alay ng pagsamba. Ang handog ni Abel ay kinalugdan ng Diyos samantalang ang kay Cain ay hindi. Isang paalaala, maaaring nasa loob ka ng kapilya para sumamba subalit tanggap ba ng Diyos ang iyong pagsamba?

SA ESPIRITU AT SA KATOTOHANAN. Ang pagsamba ay hindi    kaugalian lamang o rituwal lamang ng ating relihiyon. Hinahanap ng Diyos Ama ang tunay na mananamba. At kung may tunay, ibig sabihin lamang nito na may huwad o pekeng pagsamba.  Nakalulungkot isiping matapos mong maging tapat sa patulu-yang pagdalo sa mga gawaing pagsamba ay nananatiling mali ang paraan ng  ating ginagawang pagsamba. Hindi ito ang nais ng Diyos! Sa halip, ang pagsambang hanap Niya ay patuloy na itinuturo at ipinauunawa sa mga taong nais lumapit sa Kanya sa pagsamba. Kaya nga, ang pagsamba sa espiritu at sa katotohanan ay kailangang maunawaan ng bawat mananampalatayang Cristiano.

PAGSAMBA. Ito ang paksang tatalakayin natin sa buwan ng Hunyo. Lumalim tayo sa pagsamba. Itaas natin ang Panginoong Jesus at Siya ang magdadala ng mga tao patungo sa Kanyang krus. Sama-sama nating papurihan at sambahin si Jesus!

Pastor JLo

FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...