Sunday, February 12, 2023

PAG-IBIG SA ISA'T ISA

 “Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos"

1 Juan 4:7

MGA MINAMAHAL, MAG-IBIGAN TAYO. Bilang mga Cristiano, mula nang tayo ay manampalataya sa Panginoong Jesus, tayo ay ibinilang na Niyang isa sa Kanyang mga kaibigan (Juan 15:14). Kaya nga, ang tagubiling “mag-ibigan tayo” ay tumutukoy sa mga kapwa natin nakaranas ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagkamatay sa krus ng Panginoong Jesus. Inaasahan sa mga minamahal Niya ang pagmamahalan sa isa’t isa. Isang ugnayang nararapat maganap sa kalipunan ng mga mananampalataya. Bilang mga nagpapahayag na inibig tayo ng Diyos, bilang iisang katawan ng Panginoong Jesus, ang pag-ibig natin sa isa’t isa ang magpapatunay na mahal nga tayo ng Diyos.

MULA SA DIYOS ANG PAG-IBIG. Ang Diyos ay pag-ibig (1 Juan 4:8, 16). Ang pag-ibig Niya ay walang hanggan. Ang katangian Niyang umibig ay sa pasimula pa at walang katapusan. Walang magagawa ang sinuman upang alisin sa Kanya ang pag-ibig. Ang pag-ibig Niya ay banal. Hindi lamang ito tumutukoy sa kung ano ang gusto o ibig Niya. Ito ay pag-ibig na matuwid, malinis at dalisay. Ito ang uri ng pag-ibig na nais ng Diyos na ating ipadama sa kapatirang Cristiano. Pag-ibig na mula sa Diyos! Ang pag-iibigan natin sa isa’t isa ay mula sa Diyos na umibig sa atin.

ANG UMIIBIG AY ANAK NG DIYOS. Inaasahan sa bawat kaibigan ng Panginoong Jesus ang pag-iibigan sa isa’t isa. Pag-iibigang nakabatay at tumutulad sa pag-ibig ng Diyos. Kaya nga, kung Cristiano ka, dapat mo lang mahalin ang kapwa mo Cristiano. Na bago pa man masabing mahal natin ang mga taong wala pang pagkakilala sa Panginoong Jesus, unahin nating mahalin ang mga kabilang sa mga minimahal ng Diyos—ang Iglesia. Napatutunayan natin sa sanlibutan na tayo nga ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pag-iibigan sa isa’t isa. At ang kawalan nito ay nagsasabi sa kanilang hindi natin nakikilala ang Diyos. Ibigin natin ang kapwa mananampalatayang Cristiano!

Mga kapatid sa Alpha and Omega IEMELIF Church, MAG-IBIGAN TAYO!

_______________________

 

Lingkod Ninyo, 

Pastor Jhun Lopez


FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...