Saturday, August 28, 2021

HIGIT ANG MABUTI SA MASAMA

     

1 Samuel 18:10-12

Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, ... dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David.

Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya.

_____________________

Ginambala ng Masamang Espiritu. Nilisan ng Espiritu ng Diyos si Haring Saul dahil sa pagsuway nito sa utos ng Diyos. Dahil dito, masamang espiritu ang gumagambala sa kanya. Nawawala siya sa sarili tuwing siya ay nilulukuban ng masama. Sa tuwing mangyayari ito, pinatutugtog ng alpa si David at ang  masamang espiritu ay umaalis. Malamang, ito ay sa dahilang ang tugtugin ni David ay papuri at pakikipag-ugnayan sa Diyos katulad ng kanyang naisulat na Aklat ng mga Awit. Sa tugtugin pa lamang ay daig ng mabuti ang masama.

Dalawang Beses Sinibat. Hindi nagustuhan ni Saul at ikinagalit niya ang papuri ng mga tao kay David. Naging masama ang pagtingin niya dito. Kaya nga, nang gambalain siya ng masamang espiritu, dalawang beses niyang tinangkang patayin si David sa pamamagitan ng pagsibat. Pareho niya itong nailagan (1 Samuel 18:8-11). Naulit pa ito sa panahong manugang na niya si David. Muli siyang nilukuban ng masamang espiritu at muling sinibat si David. Nailagan din ito ni David (1 Samuel 19:9-10). HIndi nagtagumpay ang masama.

Pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi makapagtagumpay si Saul sa balak niyang pagpatay kay David. Natakot siya kay David at tinanggap niyang ito ay pinapatnubayan ng Diyos. Gayundin, nalalaman niyang wala na sa kanya ang patnubay ng Diyos bilang hari ng Israel. Ipinakasal pa niya kay David ang anak na si Mical sa planong maipapatay ito ngunit minahal ito ng anak niya na lalong nagpatunay ng patnubay ng Diyos kay David (1 Samuel 18:24-28). Ang taong nasa panig ng Diyos ay hindi pananaigan ng masama.

Sumasaatin ang Mabuti. Ang Panginoong Jesus ay sumasaatin ayon sa Kanyang pangako. Ang Banal na Espiritu na Kanyang ipinangakong patnubay ng Kanyang mga alagad ay Siyang sumasakop sa bawat mananampalataya. Tayo ay gumagalaw sa mundong punung-puno ng kasamaan. Nag-aabang lagi ang kaaway, ang masama, upang tayo ay "sibatin" at pagtangkaang ihulog sa pagkakasala. Hindi sila magtatagumpay sapagakat ang mabuti ng Diyos ay laging tagumpay at walang masamang makahihigit dito.


Pastor Jhun Lopez

Wednesday, August 18, 2021

PAGHARAP SA MGA HIGANTE

    

1 Samuel 17:45, 50

Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak."

Natalo nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak.

_____________________

Natalo ni David si Goliat. Isang binatilyong pastol ng mga tupa ang tumalo sa matipunong kawal ng mga Filisteo na may taas na halos 10 talampakan ang taas. Dagdag pa rito ang katawan niyang nababalot ng tansong damit na pandigma at sibat na ang tulis ay mahigit sa siyam na kilo ang bigat (t. 4-7). Tinalo ni David ang higanteng  nanlait at sumumpa sa kanyang ipakakain ang bangkay niya sa mga ibon at mga hayop. Nagtagumpay siya sapagkat maliwanag ang kanyang pananampalataya, "lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh.

Sa pamamagitan ng tirador at bato. Makapangyarihan ang Diyos ng Israel. Naganap, hindi ang sinabi ni Goliat na ipakakain si David sa mga hayop, kundi ang sinabi ni David, "makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat" (t. 47). Ang kasuotang pandigmang ibinigay ni Saul ay hinubad niya. Sa halip ay dinampot niya ang kanyang tungkod at kumuha ng limang makikinis na bato sa sapa saka inilagay sa supot pampastol (t. 38-40). Kaya nang magharap sila ni Goliat, dumukot ng bato at tinirador ang higante. Natalo ang higanteng humamak sa Diyos ng isang pastol na may matibay na pananampalataya sa Diyos na makapangyarihan!

Napatay si Goliat kahit walang tabak. Patay na bumagsak sa lupa si Goliat matapos na bumaon ang batong itinirador ni David na tumama sa kanyang noo. Natalo ng batambatang si David ang palalong higanteng naghasik ng takot sa buong bayan ng Israel sa nakaraang apatnapung araw. Ang mga matitipunong kawal, kabilang na ang mga kapatid ni David, ay kapwa natakot at walang nais na lumaban sa higante maliban kay David na nagsabi sa Haring Saul, "Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya" (t. 32). At ipinahayag niya ang matibay niyang pananampalataya, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon” (t. 37).

Maraming higante ang pilit na humahamon sa atin sa labanan. Di maiiwasang hindi natin labanan sapagkat ang mga ito'y nasa atin-atin nang mga harapan. Ang tanging magagawa natin'y harapin ang mga higante at simulan ang pakikipaglaban. Hindi sa dahilang may sandata tayo o kasuotang pandigma kundi sa pananampalatayang tayo ay may Diyos na makapangyarihan sa lahat na Siyang magpapatagumpay sa atin upang matalo ang mga higanteng sumusubok sa ating pananampalataya.


Pastor Jhun Lopez

Sunday, August 8, 2021

ANG PANGINOON AY TUMITINGIN SA PUSO

   

1 Samuel 16:7

“Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”

_____________________

Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Matapos ang pagsuway ni Haring Saul sa iniutos ng Diyos, ang kanyang trono ay nagsimula ng bumagsak. Pinapunta ng Diyos si Samuel sa tahanan ni Jesse upang hirangin ang susunod na hari. Ang panganay na si Eliab ay inakala niyang pipiliin, subalit ito ang sinabi ng Diyos, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan." Kadalasa'y katulad tayo ni Samuel, ang agarang basehan ay ang nakikita ng ating mga mata. Di man nagiging mapanghusga, pero ang kadalasang pamantayan natin ay naaayon sa magandang paningin o kaya'y sa kakayahan ng taong nasa harapan natin.

Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Walang mali sa pagtingin ni Samuel. Gayunpaman, sa pitong magkakapatid, sa kabila ng kanilang taas at kisig, wala sa kanila ang pinili ng Diyos upang pumalit na hari ng Israel. Kung pamantayan lamang ni Samuel, madali na siyang makahihirang ng hari. Hindi siya mali subalit kailangan niyang tiyakin ang kalooban ng Diyos at hindi ang sariling kagustuhan lamang. Maraming pagkakataon sa buhay nating kinakailangang ibaba ang ating gusto sa gusto ng Panginoon. Tumingin ayon sa Kanyang pagtingin.

Sa puso tumitingin si Yahweh. Panloob na pamantayan. Mahalaga ang kalagayan ng puso ng isang tao sa paghirang ng isang lingkod Niya. Kung si Haring Saul ay pinili ng taong bayan, ang pipiliing kapalit na hari ngayon ay titiyakin ni Samuel na Diyos ang pumili. Ipinasundo si David mula sa pagpapastol ng mga tupa. Kung sa panlabas na anyo ay hindi rin naman pahuhuli. Siya'y "makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata." Nang siya ay humarap kay Samuel, sinabi ng Diyos, "Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis."

Nakita ng Diyos ang nilalaman ng puso ni David. Pinili siya, hindi dahil sa kanyang lakas, talino at kakayahan. Pinili siya ng Diyos sapagkat siya ay may pusong masunurin. pusong mapagpakumbaba at pusong makadiyos. Tandaan nating nakatingin ang Diyos sa puso ng bawat taong hihirangin Niya sa isang natatanging gawain. Nawa'y sa pagharap natin sa Kanya, sabihin din naman ng Diyos, "Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis."


Pastor Jhun Lopez

Monday, July 19, 2021

KAPAG ANG DIYOS AY NAGSUGO

  

Mga Gawa 15:39-40

“Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon.”

_____________________

Naghiwalay sina Bernabe at Pablo. Humigit-kumulang sa isang taon, 47-48AD, sina Bernabe at Pablo ay nagmisyon sa Syria, Cyprus at mga bayan sa Asia Minor. Naging usapin ang ulat nilang may mga Hentil ang nagpamalas ng tapat na pananampalataya. Kaya muli silang isinugo ng matatanda ng iglesia upang dalhin ang sulat na naglalaman ng karapatan ng mga Hentil sa pananampalataya tulad ng karapatang mayroon para sa mga Judio. Sa kabila ng tagumpay, sa hindi pagkakasundo ng dalawa sa pagsasama kay Juan Marcos, nagpasiya silang maghiwalay ng landas.

Maaaring pinili nila ang kanilang kagustuhan, subalit ang pangyayaring iyon ay niloob ng Diyos upang maging daan sa mas malawak na pagdadala ng Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Si Bernabe at Marcos ay nagtungo ng Cyprus samantalang si Pablo ay isinama si Silas sa kanyang ikalawang misyonerong paglalakbay.

Ipinagkatiwala sa pag-iingat ng Panginoon. Ang pagtatalo ng dalawa ay hindi alitan kundi pagpili lamang ng alam nilang tama na kung titimbangin ay parehong may dahilan sa kanilang mga panig. Ang mahalagang makita natin, sila ay isinugo at ipinagkatiwala sa Diyos. Sapagkat naniniwala silang hindi ordinaryong gawain lamang ang magmisyon. Ang presensiya ng Espiritu ng Diyos ay kailangan upang maging gabay at Siyang magturo ng direksyon sa pagsasagawa ng misyon. Ang mga lingkod ng Diyos na nagdadala ng Magandang Balita sa ating panahon ay nangangailangan ng gayon ding pag-iingat. Pagtitiwala na ang Diyos ay maglalayo sa maaaring ikapahamak ng isinugo.

Matagumpay na pagmimisyon. Mula sa Antioquia, naglakbay sina Pablo at Silas. Isinama si Timoteo nang sila ay nasa Lystra.  Sa Filipos, nakakilala si Lydia at mga kasamahan nito. Nanalig ang bantay -kulungan kasama ang kanyang sambahayan. Maraming nanalig sa Tesalonica, sa Berea, sa Atenas at sa Corinto. Buong tapang na nangaral sina Pablo saan mang dako sila mapunta at kahit anupaman ang kinaharap nilang mga hamon. Hanggang makabalik sila sa Jerusalem at Antioqia. Nagpatuloy sila sa pagpapatatag ng loob ng mga mananampalataya at sa pagdadala ng Magandang Balita.

Katulad ni Pablo, tayo ay isinusugo ng Diyos. Matagumpay natin itong maisasagawa; sa tulong ng Espiritu Santo, saan mang dako Niya tayo dalhin at sa kabila ng mga hamong kasalukuyan nating kinakaharap. Magpatuloy tayo sa pagmimisyon sa panahong ito ng bagong normal!


Pastor Jhun Lopez

Sunday, June 20, 2021

HINDI MADALI ANG MAGING TATAY

 

Efeso 6:4

“Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.”

_____________________

Hindi madali ang maging isang magulang, lalo na sa isang ama. Mula nang tanggapin ang hamong maging tatay ng kanyang mga anak, ang buong buhay niya ay halos sa kanila nakatuon. Pangunahin pa dito ang pagmamahal sa kabiyak ng kanyang puso. Kung paano gagawing ganap ay isang napakalaking tanong sa tinatawag na "haligi ng tahanan." Na tila ba nasa sa kanyang sariling mga kamay ang ikabubuti o ikasisira ng tahanan.

Ang pagdisiplina sa mga anak ay tungkulin ng bawat ama ng tahanan. Dito nasusubok ang paninindigan at pagtitiyaga kung hanggang saan mapagtitiisan ang pagpapalaki ng tama sa mga anak. Sinisikap niyang ito'y hindi maging parusa lamang sa nagawang pagkakamali kundi paraan ng paghubog sa tamang pamumuhay. Sinisikap niyang maipakita at maipadamang ito ay pagmamahal. Subalit may mga pagkakataong hindi nauunawaan si Tatay. Akala'y mabagsik lamang at parang laging nakabantay sa mga pagkakamali. Hindi madali ang pagbalanse ng pagmamahal at pagpapatupad ng disiplina.

Hindi madaling hindi maibuyo sa paghihimagsik ang mga anak lalo na kung ang mga anak ay hindi nauunawaan si Tatay. Naniniwala akong walang ama ang nag-isip o nagplano man lang na ang anak niya, isang araw, ay magrerebelde. Ayaw itong mangyari ng bawat tatay lalo na sa isang Cristianong Tatay. Ang pagmamahal ay sumasakanya dahil ang pag-ibig ng Diyos ay pangunahin na niyang naranasan. Ang pagkalinga, pag-aaruga, pag-iingat at lahat ng maaaring gawin sa ikabubuti ng mga anak ay siya niyang ginagawa. At bilang isang mananampalataya, ang aral ng Panginoon, tiyak, ang palagiang paalaala sa mga anak sa kahit anumang sitwasyon ng kanilang buhay.

Ang maging isang tatay ay hindi madaling tungkulin. Nagsisikap siyang itaguyod ang tahanan; pagmamahal sa asawa at pagkalinga sa mga anak. Sa pagmamahal, di kailanman ninais mapahamak ang mga anak. Kung nagtutuwid man, aral ng Panginoon ang dala-dala sa pagdidisiplina. Unawain at sundin si Tatay. Sapat na iyon upang madama niyang siya ay minamahal.

Happy Father's Day!

Pastor Jhun Lopez

Monday, June 7, 2021

PAGTATAGUMPAY SA MGA BAGONG HAMON NG BUHAY

Ruth 1:16

“Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos.”

_____________________

"Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta." Ang buhay na pinili ni Ruth sa piling ng kanyang mahal na biyenang si Naomi ay hindi naging madali. Bilang isang Moabita, siya ay namuhay sa ibang bayan, ang bayan ng Betlehem. Pareho silang balo sa asawa at walang tiyak na ikabubuhay. Sa kabila nito, si Ruth ay nangakong pupunta, saan man magpunta ang biyenan. Tinupad niya ito at ipinakita ang kasipagan upang matugunan ang pangangailangan nilang dalawa (2:1-3). Minahal ni Ruth ang kasipagan.

"Ang inyong bayan ang magiging aking bayan.Naging tulad ng isang tunay na anak ni Naomi si Ruth. Matapos na makapanguha ng sebada sa bukid, agad niya itong dinala sa biyenan at ibinigay pa ang natirang pagkain na bigay ni Boaz. Isangguni ni Ruth ang naisin ni Boaz na doon na siya manguha ng uhay hanggang matapos ang anihan. Pinakinggan ni Ruth ang lahat ng payo ni Naomi sa kanya hanggang sa maging mag-asawa ang dalawa. Minahal ni Ruth ang kanyang biyenan.

"Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos." Ang pananampalataya sa Diyos ay kasama sa pagsama ni Ruth kay Naomi. Hindi lang ang pangangailangan ng biyenan ang kanyang tinugunan. Hindi lang paggalang ang kanyang ipinakita sa tahanan nito. Higit sa mga ito, ang paggalang at pagsunod sa Diyos ay naging buhay ni Ruth ayon na rin sa naunang pahayag niya nang siya ay magpasyang sumamang pabalik ng Betlehem. Sa huli, siya ang naging ina ni Obed na ama ni Jesse na ama ni Haring David, ang ninuno ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Minahal ni Ruth ang Diyos!

Ang mga bagong hamon ng buhay ay kayang-kaya nating pagtagumpayan. Tulad ni Ruth; mahalin natin ang kasipagan, mahalin natin ang ating mga magulang at higit sa lahat, mahalin natin ang Diyos na dakila sa lahat!


Pastor Jhun Lopez

Sunday, May 30, 2021

PALIWANAGIN ANG ILAW

  

Mateo 5:16

"Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”

_____________________


Tayo ay Iglesiang May Mabuting Patotoo!

SA HARAP NG MGA TAO. Ang bawat mananampalatayang Cristiano ay ilaw ng sanlibutan (t. 14). Ang liwanag na taglay natin ay mula sa Panginoong Jesus na Siyang nagsabing, "Ako ang ilaw ng sanlibutan" (Juan 8:12). Kaya nga, ang pagliliwanag ng ating mga ilaw ay kinakailangan upang pangunahing makita ng mga tao ang Panginoong Jesus sa ating pamumuhay. Ang pagiging mabuting patotoo natin sa harap ng mga tao ay napakahalagang sangkap sa pagdadala natin ng balita ng Kanyang pagliligtas.

MAKITA ANG INYONG MABUBUTING GAWA. Ang ating liwanag ay nakikita sa ating mabubuting paggawa. Kung nanaisin nating magliwanag ang ating mga ilaw sa harap ng mga tao, ang mabuting pananalita, gawain at pakikitungo natin sa kanila ang magpapatunay na tayo nga ay mga tagasunod ni Cristo. Hindi ang pangalan ng ating relihiyon o ang pagtawag sa ating tayo ay mga Cristiano. Kung paano tayo mamuhay kasama ng ating pamilya, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga katrabaho o kaeskwela, at mga kapitbahay ang magiging panukat nila sa pagiging Cristiano natin.

PAPURIHAN ANG AMA SA LANGIT. Papuri sa Diyos! Ang lahat ng ating ginagawa, maging sa pagkain o sa pag-inom, ang kapurihan ng Diyos ang palagian nating layunin. Sa ating pagiging mabuting patotoo, tayo ay maaaring umani ng pagkilala ng mga tao o papuri sa mabuting ipinakita natin sa kanila. Gayunpaman, ang papuri ay laging sa Panginoong Jesus na Siyang pinagmumulan ng ating liwanag, na sa bawat pagtatanghal sa Kanyang pangalan ay "sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama" (Filipos 2:11).

Pagliwanagin natin ang ating mga ilaw. Sikapin nating maging mabuting patotoo sa harapan ng mga tao nang sa gayon, ang Diyos ay maluwalhati sa buhay ng bawat isa sa atin.

Tara na sa maliwanag na pamumuhay!


Pastor Jhun Lopez

Saturday, May 22, 2021

PAGHAYO: HINDI KO IKINAHIHIYA

 

Roma 1:16

 Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya.

_____________________


Tayo ay Iglesiang Humahayo!

ANG DAKILANG ATAS. Isa sa mga misyon ng Diyos ay ang tinatawag na Dakilang Atas (Great Commission) ng Panginoong Jesus, na ang bawat alagad Niya ay humahayo at gumagawa ng mga alagad Niya. Isang aktibong pagkilos ng mga sumasampalataya sa Kanya. Inaakay ang mga tao sa pagiging bahagi ng katawan, nababautismuhan bilang kaanib ng iglesia, nang sa gayo'y maturuan ng mga aral ng Panginoon.

Alam na natin ito at ilang ulit na ring naipinangaral sa atin. Subalit sa hindi inaasahan, marami ang mga mananampalataya ang nakulong at nasanay na sa kanilang comfort zone. Dahilan kaya ayaw ng humayo ng marami. Ang katwiran, "Wala namang problemang ganito tayo, bakit pa tayo hahayo at gagawa ng alagad?" O kaya'y "Hindi ako equip at marami pa akong dapat baguhin sa buhay, saka na lang." Ang malungkot, kung ang Magandang Balita ng Panginoong Jesus ay ikinahihiya na nating ipagsabi at ipamalita sa iba.

HINDI IKINAHIHIYA ANG MAGANDANG BALITA. Ito ang ipinahayag ni Apostol Pablo sa mga mananampalataya sa Roma. Bilang tinawag ng Diyos upang ipangaral ang Magandang Balita, matapat niyang ginampanan ang tungkuling iniatang ng Diyos sa kanya. Walang takot at walang pagtatangging ibinabahagi sa iba ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pananampaltaya niya sa Panginoong Jesus. Mula sa buhay na nang-uusig sa mga Cristiano, siya ay naging tagapagdala ng kaligtasan at naging tagapagtatag ng mga Iglesia sa iba't ibang dako. Humayo siyang hindi ikinahihiya ang Magandang Balita! Ito rin ang nararapat na maging laman ng puso't isipan ng bawat mananampalataya sa ating panahon. Lalo na ngayong nagbabagong panahon, ang paghayo ay hindi ikinahihiya. Sa halip, ito ay ipinagpapatuloy ng bawat nagsasabing siya ay alagad ng Panginoong Jesus.

KAPANGYARIHAN NG DIYOS SA KALIGTASAN. Ang paghayo ng isang iglesia ay maaaring magresulta ng paglago; sa bilang at maging sa buhay espirituwal. Maliban sa layuing maging alagad ni Cristo ang mga tao nang sa gayon ay maging kaanib ng iglesia, pangunahin nating dinadala ang kaligtasan sa mga tao. Sapagkat ang Magandang Balita ng Panginoong Jesus ang magdadala ng kaligtasan sa kanilang mga buhay, ito ang laging sentro ng mga gawain natin, na ang pagliligtas ng Panginoong Jesus ay maihayag sa mga tao at sila ay magkatoon ng pagkakataong sumampalataya sa Tagapagligtas.

Ang mga sumampalataya sa Kanya ay ating aakayin sa paglalakbay tungo sa pagiging mga alagad. At atin silang sasamahan sa pag-iingat at pagpapaunlad ng kaligtasang kanilang natanggap.

Tara nang humayo!


Pastor Jhun Lopez

Sunday, May 16, 2021

IGLESIANG LUMALAGO

Efeso 4:16

 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan  na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi,  lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.

_____________________

Ang Alpha & Omega iEMELIF Church ay Iglesiang Lumalago!

ANG BUONG KATAWAN AY PINAG-UUGNAY-UGNAY. Isa sa pananaw ng ating Kongregasyon ay ang paglago. Wala sa mga Cristiano, marahil, ang magnanais na ang isang Iglesia ay manatili sa kalagayan nito at sabihing masaya na kaming ganito na lamang. Sa halip, hangad ng bawat isa ang paglago sa lahat ng aspeto nito; sa bilang, sa kalagayang espiritual, sa pananalapi, sa pamamahala, at maging sa tinatawag na digital growth. Sa lahat nang ito, ang unang dapat nating isaalang-alang ay ang katotohanang ang paglago ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Sapagkat ang bawat kaanib ay iisang katawan na pinag-uugnay-ugnay. Ang kilos ng isa ay nakakaapekto sa iba; maging ito man ay positibo o hindi. Ang ugnayang ito ay dahil sa nagkakaisang pagtatalaga ng ating buhay sa Panginoong Jesus. Kaya nga, di maaaring magsarili ang isang kaanib sa kanyang mga nasain para sa Iglesia. Kailangan ng pagtutulungan at sama-samang paggawa ng bawat isa sa atin.

MAAYOS NA PAGGANAP NG TUNGKULIN. Iisang katawan, maraming kaloob, iba-iba ang gagampanang gawain at tungkulin. Katotohana din namang tayo ay iisang katawan ngunit ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi na may kani-kanuyang function. Ang pagtigil ng isang bahagi sa kanyang dapat gawin ay may malaking epekto sa buong katawan. Napanghihina at napaparalisado ang katawan. At kung gumaganap man subalit wala naman sa ayos, tiyak ang di magandang idudulot nito sa paglipas ng panahon. Tayo ay bahagi ng katawan at may kani-kaniyang tungkulin. Ang inaasahan sa atin upang maabot ang hangaring maging isang iglesiang lumalago ay ang maayos na pagganap ng bawat isa sa ating mga tinutungkulang bahagi sa Iglesiang ito.

LALAKI AT TATATAG SA PAMAMAGITAN NG PAG-IBIG. Sabi nga ng awit, "Pag-ibig lang ang susi ng lahat" na binigyang-diin naman ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto, na lahat ng ating gagawin at gagampanang bahagi ay walang kabuluhan kung wala ang sangkap ng pag-ibig (basahin ang 1 Corinto 13:1-3). Ang paglago ng isang Iglesia ay pagsasama-sama sa maayos na paggawa ng kani-kaniyang tungkulin sa diwa ng pag-ibig. Baguhan o matagal nang kaanib, bilang kaugnay ng katawang ito, ang bawat iisipin at ikikilos natin ay marapat na gawin dahil sa pagmamahal sa kapatiran. Sa mga naglilingkod, ang posisiyon o tungkulin ay pangalawa lamang na dahilan kung bakit tayo nagbibigay ng panahon sa paggawa para sa Iglesia. Higit dito ay ang dahilang minamahal natin ang bawat bahagi ng katawang ito na kung saan tayo pinag-ugnay-ugnay ng Diyos.

Iglesiang lumalago. Isang pangitaing nagaganap sa pana-panahon na dapat nating panatilihing marka o pagkakakilanlan sa Iglesia ng Panginoon na ating pinagsasama-samahan. Sama-sama nating isulong ang patuloy na paglago ng Alpha & Omega IEMELIF Church! Pagpalain tayong lahat ng Diyos!


Pastor Jhun Lopez

Sunday, May 9, 2021

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28
"Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak."
_____________________

Maligayang araw ng mga ina!

IGINAGALANG NG MGA ANAK. Marahil isa ito sa mga ninanais ng puso ng isang ina, ang siya ay igalang ng mga anak na dinala ng siyam na buwan sa kanyang sinapupunan. Musika sa kanyang tainga ang una nilang pag-"uha." Mangingiti ang mga labi sa unang pagsilay sa anak na iningatan at pinaghirapang mailuwal sa mundong ibabaw. Ang pagsisikap na mapalaki nang tama at magkaroon ng maayos na buhay ang siyang naging layunin sa bawat araw na dumaraan. Ang tanging ligayang inaasahan, ang anak na minamahal, siya ay igalang.

Hindi lamang pagsagot ng "po" at "opo" ang kanyang hinihintay. Sapagkat ang paggalang ay hindi lamang sa salita ipinararaan. Ito ay pagkilala sa kanyang mga ginagawa at pagpapakita ng paghanga sa angking kakayahan. Hindi man siya perpekto, tiyak namang may mga oras na siya ay nagkakamali, subalit sa kabuuan ng pagsasakripisyo, ang paggalang sa kanya ay marapat lamang na ipagkaloob ng bawat anak na dumaan sa kanyang mga bisig.

Marahil, may mga inang hindi nga naging mabuting ina. Ngunit sila ay nananatiling ina ng sinumang anak. gaano man kasakit ang naging karanasan. Ngunit sa lahat ng ina na ngayon ay nagpapahayag na sila ay kabilang sa mga inang may pananampalataya sa Diyos, patuloy na magsikap na maging mabuting ina sa inyong mga anak. Sila'y mahalin, arugain, at patuloy na yakapin ng inyong mapagkalingang mga kamay. Magsikap sa buhay na siyang huwaran sa paningin ng mga anak. Aanihing tiyak ang paggalang na inaasam.

PINUPURI NG KANYANG KABIYAK. Kung mayroon mang makapagpapatunay ng pagiging mabuting ina ng isang ina, ito na marahil ang kanyang kabiyak. Siya ang saksi sa mga araw at gabing pagsasakripisyo alang-alang sa anak na inalagaan at pinagsikapang lumaking mabuti. Na ang ipapatotoo sa lahat, “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka” (Kawikaan 31:29).

Sa lahat ng naging mabuting ina sa kanilang mga anak, nariyan man o wala na ang iyong asawa, sa inyong pagsisikap at pagpapalaki ng inyong mga anak, ang pagkilala at papuri sa inyong pagmamahal ay marapat lamang ipagmalaki sa madla. Ang inyong mga katangian bilang isang ina, magkakaiba man ito sa lahat, ay tama lang na bigyan ng pagpaparangal.

Sa mga CRISTIANONG INA. Ang liwanag ng ilaw ninyo ay nagmumula sa liwanag ng Ilaw ng Sanlibutan, walang iba kundi ang Panginoong Jesus. Siya ang higit na nakikita sa inyong pamumuhay. Siya ang naririnig sa inyong mga labi. Siya ang nadarama sa bawat pagyakap ng inyong mga bisig. At dahil sa iyong pagiging tapat na ina sa pinagkatiwalang mga anak, Siya ang sa iyo ay nagsasabing, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan" (Mateo 25:21).

Happy Mother's Day po sa lahat ng mga nanay!


Pastor Jhun Lopez

FIRST OF THE MONTH

INANG IGINAGALANG

Kawikaan 31:28 "Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak." _____________________ Maligayang araw ng mga...