1 Samuel 16:7
“Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”
_____________________
Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Matapos ang pagsuway ni Haring Saul sa iniutos ng Diyos, ang kanyang trono ay nagsimula ng bumagsak. Pinapunta ng Diyos si Samuel sa tahanan ni Jesse upang hirangin ang susunod na hari. Ang panganay na si Eliab ay inakala niyang pipiliin, subalit ito ang sinabi ng Diyos, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan." Kadalasa'y katulad tayo ni Samuel, ang agarang basehan ay ang nakikita ng ating mga mata. Di man nagiging mapanghusga, pero ang kadalasang pamantayan natin ay naaayon sa magandang paningin o kaya'y sa kakayahan ng taong nasa harapan natin.
Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Walang mali sa pagtingin ni Samuel. Gayunpaman, sa pitong magkakapatid, sa kabila ng kanilang taas at kisig, wala sa kanila ang pinili ng Diyos upang pumalit na hari ng Israel. Kung pamantayan lamang ni Samuel, madali na siyang makahihirang ng hari. Hindi siya mali subalit kailangan niyang tiyakin ang kalooban ng Diyos at hindi ang sariling kagustuhan lamang. Maraming pagkakataon sa buhay nating kinakailangang ibaba ang ating gusto sa gusto ng Panginoon. Tumingin ayon sa Kanyang pagtingin.
Sa puso tumitingin si Yahweh. Panloob na pamantayan. Mahalaga ang kalagayan ng puso ng isang tao sa paghirang ng isang lingkod Niya. Kung si Haring Saul ay pinili ng taong bayan, ang pipiliing kapalit na hari ngayon ay titiyakin ni Samuel na Diyos ang pumili. Ipinasundo si David mula sa pagpapastol ng mga tupa. Kung sa panlabas na anyo ay hindi rin naman pahuhuli. Siya'y "makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata." Nang siya ay humarap kay Samuel, sinabi ng Diyos, "Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis."
Nakita ng Diyos ang nilalaman ng puso ni David. Pinili siya, hindi dahil sa kanyang lakas, talino at kakayahan. Pinili siya ng Diyos sapagkat siya ay may pusong masunurin. pusong mapagpakumbaba at pusong makadiyos. Tandaan nating nakatingin ang Diyos sa puso ng bawat taong hihirangin Niya sa isang natatanging gawain. Nawa'y sa pagharap natin sa Kanya, sabihin din naman ng Diyos, "Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis."
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.